Digong inurot ni GMA sa 2025 eleksiyon

Share on facebook
Share on twitter
Share on telegram

MANILA – Hinikayat ni dating Pangulo at ngayo’y Pampanga Rep. Gloria Macapagal-Arroyo si dating President Rodrigo “Digong” Duterte na maging aktibong muli sa politika habang papa­lapit ang 2025 eleksiyon, ayon kay Senador Christopher Lawrence “Bong” Go.

Ginawa ng senador ang pahayag matapos mag-post ng litrato sa Facebook ng pagpupulong nina Arroyo, Duterte, dating Senate President Vicente Sotto III at dating Executive Secretary Salvador Medialdea noong Sabado.

“Isang simpleng kamustahan at masayang pagkikita ang nangyari kasama ang mga pinunong naglingkod sa bayan sa iba’t ibang posisyon o kapasidad noong mga nakaraang administrasyon. Nagbalik-tanaw sila sa mga panahong nagkasama sila sa gobyerno,” sabi ni Go.

“Sa nasabing pagkikita, kinukumbinsi rin ni dating Pangulong Arroyo si dating Pangulong Duterte na maging aktibo muli sa politika,” dagdag niya.

Ayon sa senador, inimbitahan ni Arroyo si Duterte sa isang “informal meeting” sa pama­magitan ng isa sa mga staff at nagkataon namang nasa Metro Manila ang dating pangulo.

“Nagkataong magkasama kami ni Tatay Digong noon matapos ko siyang samahan sa kanyang medical checkup sa hospital, gaya ng dati kong ginagawa sa kanya,” saad pa ni Go, dating aide ni Duterte.

“At dahil bihira lang naman na pumunta sa Maynila sa ngayon si dating Pangulong Duterte, sumabay na rin sa pagkikitang iyon, sa tulong ni dating Executive Secretary Salvador Medialdea, si dating Senate President Tito Sotto na gusto ring makumusta nang personal ang kanyang itinuturing na kaibigan na si Tatay Digong,” saad pa ng senador. (Abante)

LATEST

LATEST

TRENDING