
MANILA — Nagbabala kahapon ang Department of Education (DepEd) sa kumakalat na pekeng DepEd memorandum sa online na umano’y dalawang linggong pahinga ng mga guro, para sa pagdiriwang ng ‘Teachers’ Day Month.’
“The Department of Education (depEd) warns the public about a FAKE memorandum on ‘deped Memo re: Two Weeks of Rest Days in Celebration of Teachers’ Day Month’ circulating online,” abiso ng DepEd.
Ang naturang pekeng memo ay may petsang Setyembre 8, 2023 na nakasaad na, bilang pagdiriwang sa Teachers’ Day Month at pagkilala sa papel ng mga guro sa paghubog ng kinabukasan ng bansa, ay pagkakalooban sila ng dalawang linggong araw ng pahinga.
“During this period, teachers are encouraged to take a break from their regular duties and focus on self-care and personal being. School administrators are kindly requested to ensure that teachers are not burdened with additional work during this time,” nakasaad pa sa pekeng memo.
Ayon naman sa DepEd, inatasan na nila ang mga otoridad upang imbestigahan ang pinagmulan ng naturang pekeng memorandum na malisyosong gumamit pa ng issuance template ng ahensiya.
Pinaalalahanan din ng DepEd ang lahat na manatiling vigilante laban sa anumang uri ng misinformation.
Para anila sa mga opisyal na anunsiyo at impormasyon mula sa DepEd, maaring bisitahin ang mga sumusunod na platforms: Facebook: fb.com/deparmentofeducation.PH; Twitter: twitter.com/deped_PH; Instagram: instagram.com/depedphilippines; at Website: www.deped.gov.ph.
Umapela rin ang ahensiya sa publiko na kaagad na isumbong ang anumang mapanlinlang o kahina-hinalang impormasyon hinggil sa basic education sa depedactioncenter@deped.gov.ph upang kaagad itong maaksiyunan. (philstar)





