
MANILA – Mayroon lamang P1 milyong confidential fund ang Commission on Human Rights (CHR) para sa 2024.
Sa deliberasyon ng panukalang budget noong Martes, nagtanong si House Committee on Appropriations Senior Vice Chairperson at Marikina City Rep. Stella Luz Quimbo kaugnay sa paggamit ng CHR ng confidential fund.
Sinabi ni CHR Chairperson Richard Palpal-Latoc na nagamit ng ahensiya ang lahat ng confidential fund nito noong 2022 at 50% hanggang noong Hunyo 2023. Ang CHR ay may tig-P1 milyong confidential fund noong nakaraang taon at ngayong taon. Noong 2020, naubos din umano ng CHR ang P5 milyong confidential fund nito, ayon kay Palpal-Latoc.
“So, this is your chance Chair if you feel there’s a need to augment that particular budget item, you have the floor sir,” sabi ni Quimbo.
Sagot naman ni Palpal-Latoc, pangarap nilang madagdagan ang confidential fund dahil mandato nila ang magsiyasat sa mga paglabag sa karapatang pantao, sumusuporta sa biktima at nagkakaloob ng witness protection. (Abante)





