
MANILA — Ipinag-utos ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. sa Department of Social Welfare and Development (DSWD) na bilisan ang pagbibigay ayuda sa mga maliliit na retailers at traders na maaapektuhan sa ipapatupad na rice price ceilings na magsisimula sa araw na ito.
Sinabi ni Gatchalian na inatasan sila ng Pangulo na gamitin ang kanilang sustainable livelihood program upang tulungan ang mga rice traders at retailers sa ilalim ng mandato ng “capital build-up” ng programa.“
Tanging ang maliliit na rice traders at retailer, o ang mga mahihinang grupo lamang ang tatanggap ng tulong ng gobyerno, ayon kay Gatchalian.
Ang sustainable livelihood program ng DSWD ay may tatlong mahahalagang mandato tulad ng start-up capital, na para sa mga gustong magsimula ng maliit na negosyo; ang pagbuo ng kapital para sa mga kaso na katulad ng mga epekto ng EO 39 sa maliliit na negosyante; at ang mga gawad ng trabaho.“
“So ang gagamitin natin dito ‘yung capital build-up kasi alam naman natin maapektuhan ang kapital ng mga maliliit nating mga rice retailers kaya kailangang pumasok ang DSWD sa utos ng ating Pangulo para masigurado natin na ‘yung kapital nila hindi mauubos o hindi makain kaagad itong nangyayaring Executive Order,” pahayag ng Kalihim. Ipinunto ni Gatchalian na may handang mekanismo ang DSWD para sa sustainable livelihood program dahil ganoon din ang ginamit ng ahensya noong Boracay rehabilitation at Covid-19 pandemic.
Bago umalis patungong Indonesia nitong Lunes, sinabi ni Marcos na aalamin at sisiguruhin ng Department of Trade and Industry (DTI) at Department of Agriculture (DA) ang listahan ng mga apektadong rice traders at retailers na kwalipikadong bigyan ng ayuda mula sa pamahalaan.
Sinabi ni Gatchalian na agad nilang ibibigay ang kinakailangang tulong kapag natanggap na nila ang verified list mula sa DTI at DA.
Binigyang-diin niya na handa silang simulan ang payout sa buong bansa.
Sinabi rin ng DSWD chief na hindi nila inaasahan na “napakatagal” ang tulong pinansyal dahil pansamantala lamang ang implementasyon ng rice price ceilings, o isang “stopgap measure” para mapababa ang presyo ng mga pangunahing pagkain.
Nakipagpulong si Pangulong Marcos sa DTI, DA, DSWD, at iba pang opisyal bago umalis patungong Indonesia upang matiyak na maibibigay ang kinakailangang tulong ng pamahalaan sa mga apektadong retailer at mangangalakal ng bigas sa buong bansa. (philstar)





