
MANILA — Masusi nang inaalam ng Department of Information and Communications Technology (DICT) ang mga organized syndicates na nasa likod ng paggamit ng mga pre-registered SIMs upang makapag-scam ng mga tao.
Kasunod na rin ito ng mga kuwestiyon kung paanong nagtutuluy-tuloy pa rin ang mga text scams, sa kabila ng pag-iral ng SIM Registration Act.
Ayon kay DICT Secretary Ivan Uy, maaaring may mga sindikato na bumili ng mga pre-registered SIMs.
Posible rin aniyang ang bawat SIM ay nagkakahalaga ng hanggang P500.
Binalaan din ni Uy ang mga indibidwal na magbebenta ng rehistradong SIM sa mga tiwaling indibidwal, dahil tiyak na masasampahan sila ng mga kasong kriminal.
“Ang ibang [nagbebenta], nagpapa-rehistro ng 10 SIM cards sa pangalan nila. Ang hindi siguro nila alam, kapag naghabla tayo dahil ginamit ang mga SIM cards sa panloloko, kasama sila sa habla ng criminal case,” babala pa ni Uy. (philstar)





