
MANILA — Ipinapa-reimburse ni Senator Chiz Escudero sa Bureau of Immigration (BI) ang travel expenses ng mahigit 32,000 pasahero matapos na hindi matuloy ang mga biyahe dahil na-offload sa kanilang mga flights bunsod ng matagal na interrogation ng mga immigration officers.
Suportado ni Escudero ang pagtutol ng mga kasamahang senador sa bagong departure rules ng Inter-Agency Council Against Trafficking (IACAT).
Giit ng mambabatas, dapat na hinahayaang magpunta ang ating mga kababayan sa ibang bansa at ipaubaya ang pagbusisi sa kanilang kakayahang bumiyahe ng mga bansang pupuntahan lalo pa at sinusuri naman ito bago sila bigyan ng visa.
Kaya iminungkahi ni Escudero na idagdag sa probisyon ng 2024 national budget ang pag-aatas sa BI na i-reimburse ang mga nagastos sa naudlot na biyahe ng mahigit 32 libong mga pasahero at ng sinumang ma-o-offload sa kanilang flight.
Sinabi pa ng Senador na ang bayad sa reimbursement ay huhugutin sa immigration fees na kinokolekta rin ng BI kaya naman hayaan lang na masaktan din ang ahensya para maturuan ng leksyon na gamitin ang kanilang kapangyarihan na may pag-iingat at malasakit.
Base umano sa tala ng BI, nasa 32,404 Filipino passengers ang naharang at hindi natuloy ang biyahe noong nakaraang taon kung saan 472 sa bilang na ito ay mga biktima ng human trafficking at illegal recruitment.
Magkagayunman, hanggang sa ngayon ay walang pruweba at pinal na desisyon na makapagsasabing ang mga na-offload na pasahero ay talagang sangkot sa prostitusyon at human trafficking. (philstar)





