
MANILA — Wala pang natatanggap na ulat ang DepEd na may mga gurong lumabag sa no decoration policy sa mga silid-aralan, na inilabas ni Vice President at DepEd Secretary Sara Duterte.
Ayon kay DepEd spokesman Michael Poa, sa kanilang pagkakaalam ay tumalima naman dito ang mga guro.
Sinabi ni Poa na ang hindi pagsunod sa naturang polisiya ay paglabag sa kanilang mga panuntunan, ngunit hindi naman aniya sila naghahanap ng mga gurong mapaparusahan dahil dito.
Sakali mang mayroong gurong hindi tumalima sa polisiya ay hindi rin naman ito kaagad-agad na papatawan ng kaparusahan at sa halip ay kakausapin muna ang school head nito at pagpapaliwanagin.
Kahapon ay umarangkada na ang unang araw ng pasukan ng mga mag-aaral sa mga pampublikong paaralan sa bansa.
Hanggang alas-9:05 ng umaga nitong Agosto 29, 2023, nasa 22,917,725 na ang bilang ng mga mag-aaral na nakapag-enrol. (philstar)





