
MANILA — Posible pa rin umanong maabot ang P20 kada kilo ng bigas sa ilalim ng administrasyong Marcos.
Subalit ayon kay National Economic and Development Authority (NEDA) Secretary Arsenio Balisacan sa pulong balitaan sa Malakanyang, kailangan pa munang palakasin ang produksyon ng palay sa bansa.
Iginiit pa ni Balisacan na hindi rin kakayanin ng isang gabi lang o overnight na agad maibaba ang presyo sa P20 kada kilo ang presyo ng bigas at magagawa lamang ito kung bibigyan ng sapat na ayuda ang mga magsasaka, maayos na irigasyon at iba pa.
Partikular na inihalimbawa ng kalihim ang mga bansang Thailand, Indonesia at Vietnam na mataas ang produksyon ng palay at mababa ang presyo ng bigas.
Dapat ay noon pa umano ginawa ng gobyerno ang pagtulong sa mga magsasaka para hindi nahuhuli ang Pilipinas.
Bagamat posible at binubuhusan na umano ng gobyerno ngayon ang resources at panahon ang agrikultura para mapaangat ang produksyon ay hindi pa rin masabi kung kailan makakamit ang inaasam na P20 na kilo ng bigas. (philstar)





