
MANILA — Itinaas hanggang P10,000 ang honoraria ng mga guro na magsisilbi bilang miyembro ng electoral board sa darating na Barangay at Sangguniang Kabataan Elections (BSKE).
Ayon kay Commission on Elections Chairman George Garcia, sa halip na P6,000 at P5,000 ay minarapat ng Comelec na gawing P10,000 at P9,000 ang ibibigay naman sa chairman at members ng electoral board.
Bukod dito, ang mga poll workers sa mga lugar na may kasabay na plebisito tulad ng sa Bulacan ay makatatanggap ng dagdag na P2,000.
Dadagdagan din ng P2,000 ang mga poll workers sa Naga at Muntinlupa City na magkakaroon ng ‘early voting hours’ para sa mga ‘senior citizens, persons with disabilities’, at mga buntis.
Tatanggap ng P9,000 ang DepEd Supervisor Official (DESO); P5,500 ang makukuha ng bawat support staff.
May nakalaan din na P500,000 death benefit para sa mga masasawi na may kaugnayan sa eleksyon, habang P200,000 medical assistance sa mga magkakapinsala dulot ng pagmamando sa halalan.
Sinabi ni Garcia na nasa 823,539 ang inaasahan na poll workers na magsisilbi sa darating na BSKE sa Oktubre 30. (philstar)





