
MANILA — Tiniyak ni Armed Forces of the Philippines (AFP) Chief of Staff General Romeo Brawner, Jr. na handa pa ring lumahok ang Pilipinas sa joint drill ng ibang bansa sa South China Sea.
Ang paniniyak ay ginawa ni Brawner kasabay ng paglilinaw na hindi tinanggihan ng Pilipinas ang pagsali sa trilateral naval drill ng United States, Japan at Australia.
Ani Brawner, kasalukuyan pa rin nilang bineberipika ang nailathala ng Kyodo News. Sakaling may naval activities hindi umano naipaalam ito sa AFP.
“Hindi po totoo ‘yun na nag-decline tayo. Actually, ang ibig po nilang sabihin is that hindi tayo sumama o nag-commit ng barko,” ani Brawner.
Sa ulat ng Kyodo, nakasaad dito na ang Japan Maritime Self-Defense Force ay magpapadala ng kanilang “pinakamalaking destroyer” na tinatawag na Izumo.
Samantala, ang Royal Australian Navy at ang US Navy, ay inaasahang magpapakalat ng kanilang mga amphibious assault ship na Canberra at America, ayon sa pagkakabanggit.
Sinabi ni Brawner na talagang may plano ang Pilipinas na magsagawa ng joint exercises sa ibang mga bansa tulad ng US at Australia.
Lumilitaw din sa ulat na “kinansela” ng Pilipinas ang kanilang paglahok sa joint drill dahil ang mga sasakyang panghimpapawid ng tatlong iba pang mga bansa ay “masyadong malaki upang dumaong sa mga deck ng mga barkong pandigma ng Pilipinas.”
Ang Japan, Australia, at US ay kabilang sa mga bansang kinilala ang 2016 arbitration ruling sa isang 2013 case na isinampa ng Pilipinas. (philstar)





