DSWD ayuda nawaldas

Share on facebook
Share on twitter
Share on telegram

MANILA – Malaking pondo ng Department of Social Welfare and Development (DSWD) ang nawawaldas lamang dahil sa hindi maayos na sistema ng pamamahagi ng ayuda sa mga Pilipino.

Ito ang isiniwalat ni National Economic and Development Authority (NEDA) Secretary Arsenio Balisacan sa budget hearing sa Senado. Hindi binanggit ni Balisacan kung magkano ang nasasayang na pondo pero napakataas umano nito kaya gumawa ng hakbang ang administras­yong Marcos para baguhin ang sistema ng pamamahagi ng ayuda.

“As of now napakataas ‘yong leakage sa mga ayuda natin dahil very imperfect yung delivery system, but Sec. (Rex) Gatchalian is working very hard to get that system enhanced,” paglalahad ng NEDA chief.

Isa sa isinusulong ng mga economic manager ay ang mga may hawak lamang ng national ID ang mabibigyan ng ayuda ng gobyerno.

“If we make the system more efficient for example, pag nabawa­san natin ang leakage, only those who are deserving should get it. And mayroon na po tayong bagong proseso ngayon,” paliwanag ni Finance Secretary Benjamin Diokno.

“For example, if we limit it to those who have national ID kasi ‘yan talagang identified ka national ID and ima-match po natin yan sa tinatawag nating basic depo­sit account pwede pong magbukas sa Landbank ng basic deposit account for everybody. Ili-link po natin doon. Kasi ngayon eh, parang cash card anybody can get it, cash card, parang may duplication po, maraming leakages,” ani Diokno.

Isa pa sa isinusulong ng mga economic ma­nager ay pag-isahin na lamang ang ayudang ibinibigay ng DSWD, Department of Labor and Employment, Department of Agriculture, Department of Science and Technology at Department of Trade and Industry.

Wala sa nasabing budget hearing ang kalihim ng DSWD na si Rex Gatchalian.

Samantala, sinita naman ni ACT Teachers Rep. France Castro ang 10 undersecretary at 21 assistant secretary sa tanggapan ni Gatchalian sa budget hearing sa Kamara de Representantes.

“Ito lang yung agency na may ganun kara­ming mga Asec and Usec. Sa laki, mas malaki ang DepEd. Dapat mas magandang maibigay natin iyong pondo para doon sa mga talagang nasa ground na nagtatrabaho, yung social worker,” giit ni Castro sa pagdinig ng House committee on appropriations.

Sinabi naman ni Secretary Gatchalian na kasalukuyan na silang nasa prosesong streamlining ng kanilang o­perasyon. (Abante)

LATEST

LATEST

TRENDING