
MANILA – Kinumpirma ng Samahang Industriya ng Agrikultura (SINAG) na nagtaas na ang presyo ng bigas sa bansa pero sapat naman ang supply nito.
Paliwanag ni SINAG president Rosendo So, nagtaas kasi ng presyo ang Thailand at Vietnam kaya apektado rin ang presyuhan sa Pilipinas.
“Ang world market price ng bigas dun sa area ng Thailand for example is 648 dollars na. Dati ito 520 dollars lang,” saad ni So sa isang radio interview nitong Linggo.
“Yung sa Vietnam nasa 618 na dati 500 dollars. Ang laki ng tinaas ng presyo ng Vietnam and Thailand rice,” dugtong pa niya.
Aniya, nakakaranas ngayon ng kakulangan ng tubig sa irigasyon ang Thailand kaya nagbabawas sila ng ine-export na bigas upang hindi sila kapusin sa supply.
“Wala tayong problema sa stocks pero yung presyo ang nakikita nating umaakyat,” pag-amin ni So.
Kinumpirma naman ng grupong Philippine Rice Industry Stakeholders Movement (PRiSM) na tinatayang 300,000 ang darating ngayong Agosto at sa Setyembre.
Hindi naman nakatitiyak ang grupo na bababa na ang presyo ng bigas sa merkado sa inaasahang pagdating ng mga inangkat na bigas.
“Yun ang challenge talaga, ang presyo. Dahil nag shoot ang presyo sa world market. Ang India kasi, nag export ban sila. Forty percent ng supply ng buong mundo, nanggagaling sa India,” wika ni Rowena Sadicon, Founder at Lead Convenor ng PRiSM. (Abante)





