
MANILA — Tiniyak ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. na sapat pa rin ang suplay ng bigas kahit pa matapos ang El Niño phenomenon sa susunod na taon.
Inihayag ito ng Pangulo matapos ang pakikipagpulong sa industry players sa pangunguna ng Private Sector Advisory Council at Philippine Rice Stakeholders Movement (PRISM) sa Malakanyang.
Iginiit ni Marcos na “manageable” at “stable” ang rice situation sa bansa at mayroong sapat na bigas hanggang matapos ang El Niño. Ito ay sa gitna na rin ng mga ulat na nagtaasan ang presyo ng bigas sa merkado.
Sa pulong ay inilatag ng grupo ang kanilang rice supply outlook sa bansa hanggang sa katapusan ng 2023.
Ibinunyag naman ni Agriculture Undersecretary Merceditas Sombillo na ang projected ending stock ngayong taon ay nasa 1.96 million metric tons na sapat sa loob ng 52 araw.
Ayon pa kay Sombillo, kung pagbabasehan ang stock projection data ng Philippine Statistics Authority (PSA) ay nasa 2.12 milyong metrikong tonelada ang stock ng bigas na tatagal ng 57 araw.
Matatandaang nagpatawag ng meeting ang Presidente para alamin sa mga stakeholders ang kalagayan ng rice industry at matiyak na rin na sapat ang suplay ng bigas sa bansa.
Magsisimula ang pag-aani ng mga magsasaka ng palay sa Setyembre hanggang Nobyembre. (philstar)





