
MANILA — Isang araw matapos ang ginawang pambobomba ng tubig sa barko ng Philippine Coast Guard (PCG), nagpadala ng bagong note verbale si Department of Foreign Affairs (DFA) Secretary Enrique Manalo kay Chinese Ambassador to the Philippines Huang Xillian.
Sinabi ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. na personal na dinala ni Manalo ang note verbale kay Xillian sa Chinese embassy kasama ang mga larawan at video ng panibagong insidente ng water cannon attack ng Chinese Coast Guard (CCG) sa PCG noong Sabado sa Ayungin shoal habang nagdadala ng supply sa BRP Sierra Madre.
Kaagad naman nagpatawag kahapon si Marcos ng command conference sa Armed Forces of the Philippines (AFP) at iba pang kaukulang ahensiya ng gobyerno para pag-usapan kung ano ang susunod na hakbang na gagawin matapos ang panibagong pambu-bully ng China.
Bagamat ayaw ng Pangulo na talakayin ang operational details nito, patuloy umanong igigiit ng pamahalaan ang soberenya ng bansa gayundina ng territorial rights sa harap ng mga hamon na ito na salig pa rin sa international laws at United Nations Convention on the Law of the Sea (UNCLOS).
Iginiit pa ng Pangulo na dapat nang kausapin ng gobyerno si Chinese President Xi Jinping para magkaroon na talaga ng konklusyon sa mga bagay na ito.
Inamin naman ni Marcos na may gray areas sa usapin ng pag-aangkin ng China sa bahagi ng Ayungin shoal na siya ring patuloy na ipinaglalaban ng Pilipinas dahil sa paninindigan na sakop ito ng teritoryo ng Pilipinas.
Sa kabila nito, ikinatuwa naman niya na walang nasaktan o nagkaroon ng injury sa naturang insidente sa Ayungin shoal.
Samantala, tumanggi naman si Marcos na idetalye ang napag-usapan nila ni dating pangulong Rodrigo Duterte kamakailan.
Nakiusap naman ang Pangulo na hayaan na lamang na manatiling confidential sa pagitan nina Duterte at Xi ang kanilang pag-uusap dahil confidential operational matters umano ito. (philstar)





