Pangulong Marcos, Duterte nagpulong sa Malacañang

Share on facebook
Share on twitter
Share on telegram

MANILA — Nagpulong sina Pangulong Ferdinand Marcos Jr. at dating Pangulong Rodrigo Duterte sa Palasyo ng Malacañang kamakalawa ng gabi.

Sinabi ni Presidential Communications Office Secretary Cheloy Garafil, na ipinaabot ni Duterte kay Marcos kung ano ang napag-usapan nila ni Chinese President Xi Jinping sa China.

Bukod pa sa ibang isyu na pinag-usapan ay ­pinayuhan din umano ni Duterte si Marcos.

Kasama rin ng dating pangulo na nagtungo sa Malakanyang sina Senador Bong Go at dating Executive Secretary Salvador Medialdea.

Nasa pagpupulong din sina Solicitor General Menardo Guevarra, Executive Secretary Lucas Bersamin, Special Assistant to the President Secretary Anton Lagdameo, Defense Secretary Gilberto Teodoro at si Garafil.

Nauna nang sinabi ni Marcos na hindi nag-abiso si Duterte nang makipagpulong kay Xi, subalit sana ay pinag-usapan ng dalawa ang isyu tungkol sa West Philippine Sea (WPS).

Bukod kay Duterte, nakipagpulong din si Marcos sa ilang mga senador sa Bahay Pangarap sa Malakanyang kamakalawa ng gabi.

Sa mga larawang ibinahagi ni Senador Go, kasama sa meeting at dinner si First Lady Liza Marcos. Tanging sina Senators Koko Pimentel, Risa Hontiveros at Chiz Escudero lamang ang hindi dumalo.

Wala pang inilalabas na detalye ang Palasyo tungkol sa napag-usapan ng mga senador subalit sa naunang impormasyon sinabing may kinalaman ang meeting sa resolusyon ng Senado sa usapin ng WPS.

Ito ay dahil base sa Senate Resolution 718 ng Senado binibigyan ang Ehekutibo ng options kung paanong tutugunan ang panghihimasok ng China sa WPS kabilang ang pag-akyat ng isyu sa United Nations General Assembly. (philstar)

LATEST

LATEST

TRENDING