
MANILA – Itinulak ni Bicol Saro party-list Rep. Brian Raymund Yamsuan ang pagtatayo ng isang departamento upang makapagpatupad ng malawakang reporma sa corrections, jail at probation management system ng bansa.
Ayon kay Yamsuan ang panukalang Department of Corrections ay naglalayong tugunan ang problema ng siksikan, pang-aabuso at korapsyon sa mga kulungan.
Nabatid na isang panukala na ang ginagawa ng tanggapan ni Yamsuan para sa kanyang panukala na nauna na nitong sinabi sa isinagawang briefing ng House Committee on Justice kaugnay ng estado ng New Bilibid Prisons (NBP) at iba pang kulungan sa bansa.
Sa naturang briefing, sinabi ni Dr. Raymund Narag, isang international criminology expert at dating detainee, na kalunos-lunos ang kalagayan ng mga preso sa loob ng mga kulungan.
Ang NBP at iba pang kulungan na pinangangasiwaan ng Bureau of Corrections ay mayroong kapasidad na 12,250 subalit umaabot sa 51,500 ang mga nakakulong dito ngayon. (Abante)





