
MANILA — Ibibigay na ng gobyerno ang COVID health emergency allowance at iba pang benepisyo na para sa mga healthcare workers.
Sinabi ito ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. sa kanyang ikalawang State of the Nation Address (SONA) na tumagal ng mahigit sa isang oras.
Ayon pa kay Marcos, napapanahon na para ibigay ang mga benepisyo ng mga medical personnel matapos ang kanilang paghihirap noong kasagsagan ng COVID-19 pandemic.
Para umano masuklian naman ang naging sakripisyo ng ating mga health workers sa pribado at pampublikong ospital, kaya ipapamahagi na sa kanila ang kanilang COVID health emergency allowance at iba pang mga nabinbin na benepisyo.
Kaugnay nito, nangako rin ang Pangulo na magdeploy ng mga doktor sa may 1,400 munisipalidad sa ibat-ibang bahagi ng bansa.
Gayundin ang pagbibigay ng doktor sa may labing-siyam na munisipalidad na wala pang kahit isa nito. (philstar)





