
MANILA — Pinaalalahanan kahapon ng National Telecommunications Commission (NTC) at Department of Information and Communications Technology (DICT) ang publiko sa nalalapit na deadline ng SIM card registration sa bansa bukas, Hulyo 25.
Nagbabala rin naman ang NTC at DICT na hindi na nila palalawigin pa ang deadline ng SIM card registration at otomatikong pagsapit ng 12:01 ng madaling araw ng Hulyo 26 ay ide-deactivate ang mga hindi nairehistrong SIM cards.
Bibigyan na lamang umano ng DICT ang mga may-ari ng mga deactivated na SIM cards ng limang araw na grace period upang ma-reactivate ang mga ito.
Sa pinakahuling tala ng NTC, hanggang Hulyo 19, 2023, ang bilang ng rehistradong mobile phone subscriber identification modules (SIMs) ay nasa 104,076,843 pa lamang, o 61.94% ng kabuuang 168,016,400 SIM card sa bansa.
Sa naturang bilang, 49.2 milyon ang Smart subscribers, 47.47 milyon ang Globe habang 7.4 milyon ang DITO subscribers. (philstar)





