
Magiging super typhoon sa Martes
MANILA, Philippines — Lalo pang lumakas si “Egay” na isa nang severe tropical storm at maaaring tuluyang maging super typhoon hanggang sa Martes.
Bunsod nito, itinaas na ng PAGASA ang Tropical Cyclone Wind Signal No. 1 (TWCS) sa ilang lugar sa Luzon at Visayas kabilang ang Catanduanes, eastern portion ng Camarines Sur, northern portion ng Aurora, eastern portion ng Isabela, eastern portion ng Cagayan, northern portion ng Eastern Samar at eastern portion ng Northern Samar.
Bitbit ng bagyong Egay ang lakas ng hangin na 110 kph at pagbugso na hanggang 135 kph.
Inaasahan na higit pang lalakas ang bagyo sa susunod na 24-oras.
Gayunman, unti-unti nang hihina ang bagyo sa Miyerkules hanggang sa tuluyan itong tumama sa bansang Taiwan.
Maaari rin umano itong humina pa sa sandaling tumama na sa mga madaraanang kabundukan.
Magpapatuloy ang paghina ng bagyo sa sandaling magkaroon ito ng panibagong landfall sa mainland China.
Simula nitong Linggo hanggang Martes, ay maghahatid si Egay ng malalakas na pag-ulan sa Catanduanes, Cagayan, silangang bahagi ng Isabela, Polilio Islands, Camarines Norte, Camarines Sur, at Albay.
Sa sandaling lumakas ito bilang super bagyo sa Martes, maghahatid si Egay ng malalakas na mga pag-ulan sa bahagi ng Batanes, Babuyan, Ilocos Norte, Cagayan, Apayao, Abra, Ilocos Sur, La Union, Pangasinan, Isabela, at natitirang bahagi ng Cordillera Administrative Region (CAR).
Maaari rin umanong mapalakas nito ang habagat, na maghahatid ng manaka-nakang pag-ulan sa susunod na tatlong araw sa Palawan, Antique, Negros Occ., Negros Oriental, Occidental Mindoro, Western Visayas, Zambales, at Bataan.
Inaasahang lalabas ng Philippine Area of Responsibility (PAR) si Egay sa Biyernes. (philstar)





