
MANILA — Inaprubahan na ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. ang pagkalas ng gobyerno ng Pilipinas sa International Criminal Court (ICC) makaraang ibasura nito ang apela ng bansa para huwag nang buksan ang imbestigasyon sa ‘war on drugs’.
Sinabi ni Solicitor General at dating Department of Justice (DOJ) Secretary Menardo Guevarra, ang mosyon ng Pilipinas sa Appeals Chamber ng ICC ang huling ugnayan na ng bansa sa naturang organisasyon.
“I have discussed this matter personally with PBBM and we have agreed that our appeal to the ICC appeals chamber is the end of our engagement with the ICC,” saad ni Guevarra.
Hinintay lamang umano talaga ng gobyerno ang ilalabas ng desisyon ng ICC kung saan muntik pang manalo ang Pilipinas sa iskor na 3-2.
Una na ring sinabi ni Justice Secretary Jesus Crispin Remulla ang pagtigil ng Pilipinas sa pakikipag-ugnayan sa ICC at iginiit na hindi bibigyan ng tulong ang mga imbestigador nito.
Dahil sa desisyon ng ICC, magpapatuloy ang ICC Prosecutor sa ginagawang imbestigasyon sa pagkamatay ng libo-libong indibidwal sa naganap na ‘war on drugs’ noong panahon ni dating Pangulong Rodrigo Duterte at ni dating PNP chief at ngayon ay Sen. Ronald “Bato” dela Rosa.
Hindi nito tinanggap ang argumento na wala nang hurisdiksyon ang ICC sa Pilipinas. Iginiit nila na tama umano na pagbigyan ang kanilang mga prosecutor na gawin ang kanilang mandato.
Ngunit para kay Pangulong Marcos Jr., wala nang hurisdiksyon ang ICC permanent court sa Pilipinas. (philstar)





