
MANILA – Sinita ng Commission on Audit (COA) ang kawalang aksyon ng Department of Budget and Management (DBM) na hindi pa rin inilalagay sa blacklist ang supplier ng kontrobersyal na P2.3 billion overpriced laptops na binili ng Department of Education (DepEd) para sa mga public school teacher.
Bunga nito, pinagsusumite ng COA ang DBM na pinamumunuan ni Secretary Amenah Pangandaman ng listahan ng mga supplier na kanila nang winalis.
“The Blacklisting and Termination Review Committee has not yet conducted blacklisting proceedings over the subject contracts, thus a resolution on the termination of contracts or blacklisting of suppliers has not been issued,” saad ng COA sa annual audit report nito.
Ayon COA, dahil sa masyadong mahal at outdated na mga laptop na binili ng Procurement Service ng DBM ay hindi na makabili pa ang DepEd ng mga laptop para sa 68,500 pang mga guro.
Matatandaan na binili ng PS-DBM noong 2021 ang mga entry level laptop sa halagang P58,000 samantalang ang inaprubahang budget ay dapat nasa P35,046.50 bawat isa.
Inimbestigahan ng Senado ang mga overpriced laptop na binili ng DepEd.
Sa panig ng COA ay inirekomenda nitong sampahan ng graft case ang ilang opisyal ng DepEd at PS-DBM kabilang sina Undersecretary for Finance Annalyn Sevilla, Director for Information and Communications Technology Service Abram Abanil, dating Undersecretary Alain del Pascua, dating Assistant Secretary Salvador Malana III, dating PS-DBM head Lloyd Christopher Lao at dating PS-DBM officer-in-charge Jasonmer Uayan. (Abante)





