
MANILA — Ipinagkibit-balikat lang ni dating pangulong Rodrigo Duterte ang desisyon ng International Criminal Court na ibasura ang apela ng gobyernong itigil ang imbestigasyon sa “crimes against humanity” kaugnay ng mga napatay sa war on drugs.
Martes lang nang ianunsyo ng ICC na itutuloy nila ang imbestigasyon sa mga nalabag na karapatang pantao kaugnay ng kampanya, bagay na pumatay ng mahigit 6,000 hanggang 30,000 katao. Ang ilan sa kanila, napatunayang inosente at tinaniman ng ebidensya.
“[Former President Rodrigo Duterte] has shrugged off the ICC’s decision dismissing the Sol-Gen’s apppeal from an Order of the ICC Pre-Trial Chamber authorizing the ICC to pursue Preliminary Examination on the Drug War,” wika ng dating presidential spokesperson na si Harry Roque kagabi.
“FPRRD has always maintained that as an independent and sovereign state, only Philippine courts can try any crime committed in Phl [territory].”
Una nang ikinatuwa ng mga naulilang pamilya at mga human rights advocates ang desisyon ng ICC, ito habang ipinangangakong makikipagtulungan sila sa imbestigasyon para makamit ang hinihinging hustisya sa mga namatay.
Kahapon lang din nang sabihin ni Sen. Ronald “Bato” dela Rosa na “unbothered” siya patungkol sa pagpapatuloy ng imbestigasyon ng ICC.
Matatandaang dating hepe ng Philippine National Police ang senador, na siyang nanguna sa kampanya na dumulo sa pagkamatay ng libu-libo.
“[Duterte] has time and again said that because of this, he will face all his accusers anytime but before Philippine courts and before Filipino Judges only,” dagdag pa ni Roque.
Patuloy na ginigiit ni Duterte at ng kasalukuyang administrasyon ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. na walang karapatan ang ICC na mag-imbestiga at maglitis sa bansa matapos kumalas ng Pilipinas mula sa Rome Statute noong Marso 2019. Ang Rome Statute ang tratadong nagtatag sa ICC.
Walang katotohanan ang posisyon ng gobyerno lalo na’t malinaw sa Article 127 (2) ng Rome Statute na kailangan pa ring tugunan ng bansang kumalas ang mga responsibilidad sa ICC pagdating sa mga bagay na nangyari noong miyembro pa ito. (philstar)





