
MANILA — Ibinasura kahapon ng International Criminal Court (ICC) ang apela ng gobyerno ng Pilipinas na itigil ang imbestigasyon sa ‘war on drugs’ noong panahon ni dating Pangulong Rodrigo Duterte na hudyat ng muling pagsulong ng kanilang pag-iimbestiga.
Alas-4 ng hapon sa Pilipinas nang ihayag ni ICC Appeals Chamber Presiding Judge Marc Perrin de Brichambaut ang desisyon. Kumatawan para sa Pilipinas sina international human rights lawyer Sarah Bafadhel at Philippine Ambassador to The Hague Eduardo Malaya.
“It is rejected by the appeals chamber by majority and the impugned decision is therefore confirmed,” ayon kay Perrin de Brichambaut.
Dahil sa desisyong ito, binigyan na ng ‘green light’ ng ICC si Prosecutor Karim Khan, na muling buksan ang imbestigasyon. Personal na sinaksihan ni Khan ang pagbababa ng desisyon.
Matatandaan na nitong Enero unang binigyan ng awtorisasyon ang pagpapatuloy sa imbestigasyon makaraang hindi makuntento ang ICC sa ginawang inisyatibo ng gobyerno ng Pilipinas sa sariling imbestigasyon sa mga libu-libong kaso ng pagpatay dulot ng kampanya sa iligal na droga.
Una nang iginiit ni Justice Secretary Jesus Crispin Remulla na walang epekto ang desisyon ng ICC kung ibabasura ang apela ng Pilipinas dahil hindi na miyembro nito ang bansa.
Nanindigan si Remulla na hindi makakapasok ng Pilipinas ang mga imbestigador ng ICC para gawin ang anumang nais nila.
Kabaligtaran ito sa opinyon ni Solicitor General Menardo Guevarra na umano’y maaaring tuluyang makasuhan ang mga sangkot na personalidad kung hindi mapagbibigyan ang apela ng Pilipinas. (philstar)





