Water interruption sa Metro Manila, tigil muna

Share on facebook
Share on twitter
Share on telegram

MANILA — Sinuspinde muna ng water concessionaire na Maynilad ang itinakda nilang gabi-gabing water service interruption sa ilang lugar sa Metro Manila.

Ito’y kasunod na rin nang pagtaas ng water elevation sa Ipo Dam bunsod ng mga pag-ulan nitong nakaraang mga araw.

Sa abiso ng Maynilad, hindi muna nila itutuloy ang pagpapatupad ng water service interruption sa ilang lugar sa Caloocan, Malabon, Manila, Navotas, Quezon City at Valenzuela

“Pansamantang isususpinde ang scheduled daily water service interruptions sa ilang bahagi ng Caloocan, Malabon, Manila, Navotas, Quezon City at Valenzuela simula ngayon hanggang sa susunod na abiso,” anunsiyo pa ng Maynilad.

Anito pa, “ang mga pag-ulan nitong nakalipas na araw dulot ng #DodongPH ay nakatulong mapataas ang water elevation sa Ipo Dam, dahilan kung bakit patuloy naming natatanggap mula sa Portal ang 2,400 MLD (million liters per day) na aming kaila­ngan para mapanatili ang normal na serbisyo sa kabila ng mas mababang water allocation mula sa Angat Dam.”

Sinabi ng Maynilad na ibabalik lamang nila ang daily service interruptions kapag tumigil na ang water inflows sa Ipo Dam dala ng mga pag-ulan, at muling maramdaman ang kabuuang epekto ng 48 CMS allocation.

Tiniyak naman ng Maynilad na magbibigay sila ng kaukulang abiso bago muling magpatupad ng water interruptions.

Panawagan naman nito, “Bagamat suspendido sa ngayon ang service interruptions, patuloy pa ring hinihikayat ang lahat na makiisa sa masinop na paggamit ng tubig para ang supply ay lalong mapalawig.”

Tinatayang nasa kalahating milyong kostumer ng Maynilad ang apektado ng itinakdang water service interruption, bunsod ng pagbaba ng lebel ng tubig sa Angat Dam. (philstar)

LATEST

LATEST

TRENDING