
MANILA — Hinimok ni Senador Christopher “Bong” Go ang Department of Agriculture (DA), Department of Social Welfare and Development (DSWD) at sa iba pang ahensya ng gobyerno na paghandaan ang epekto ng El Niño phenomenon sa pamamagitan ng pagbibigay ng mas matatag na suporta sa mahihirap na komunidad, partikular sa mga magsasaka.
“Inaasahan natin na malaki ang epekto ng El Niño sa ating bansa kaya nananawagan ako sa gobyerno na magtulungan tayo na tiyaking may maayos na suporta ang ating mga kababayang Pilipino, lalo na ang mahihirap,” ani Go.
Sa isang advisory na inilabas ng United Nations noong Martes, hinihimok nito ang buong mundo na maghanda sa epekto ng El Niño phenomenon dahil maaari itong humantong sa mataas na temperatura.
Sinabi ng UN na mayroong 90 porsiyentong posibilidad na magpatuloy ang El Niño sa buong 2023.
Hinimok ng senador ang DA na magpatupad ng mga programang makikinabang ang mga magsasaka gaya ng access sa mga modernong teknolohiya na makatutulong upang mapabuti ang kanilang mga ani.
Hiniling naman niya sa DSWD na lumikha rin ng mga programa na ang target ay mga mahihirap na komunidad at siguruhing sila ay may access sa sapat at masustansyang pagkain. (philstar)





