Dengue tatama rin kahit El Niño

Share on facebook
Share on twitter
Share on telegram

MANILA — Malaki ang posibilidad na tumaas pa rin ang kaso ng dengue sa bansa kahit na opisyal nang naideklara ang El Niño dahil sa pagtaas ng pag-iimbak ng tubig ng publiko na pinamumu­garan ng mga lamok, ayon sa Department of Health.

“Kung titignan parang paradox—merong tag-tuyot eh ba’t nagkaroon ng dengue?” tanong ni DOH spokesperson Undersecretary Enrique Tayag.

Paliwanag ni Tayag, kapag tagtuyot karamihan sa mga tao ay nag-iigib kung saan maraming water containers o sisidlan ang nagiging breeding places ng mga lamok.

Sa pinakahuling epi­demic-prone disease case surveillance report ng DOH, 72,333 kaso ng dengue ang naitala mula Enero hanggang Hunyo 17, 2023, na 14% mas mataas sa 63,526 noong 2022.

Mayroong 249 nasawi dahil sa dengue ngayong taon.

Kaya binigyang-diin ni Health Secretary Ted Herbosa na dapat maging maingat ang publiko laban sa mga sakit na dala ng lamok tulad ng dengue, at mga sakit na dala ng tubig tulad ng cholera.

Noong nakaraang linggo, idineklara ng PAGASA ang pagsisimula ng El Niño—isang phenome­non na nailalarawan sa abnormal na pag-init ng temperatura sa ibabaw ng dagat sa gitna at silangang equatorial Pacific Ocean at mas mababa sa normal na pag-ulan.

Sinabi pa ni Tayag na noong 1998 El Nino, nagkaroon ng dengue fever outbreak sa bansa sa kabila na kulang na kulang sa tubig ang mga tao dahil sa maling pag-iimbak ng mga tubig. (philstar)

LATEST

LATEST

TRENDING