MANILA — Pasado kay dating pangulong Rodrigo Duterte ang ginagawang pagpapatakbo sa bansa ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr.
Sa ginanap na reunion ng mga dating cabinet secretaries sa San Juan noong Sabado ng gabi, sinabi ni Duterte na maayos ang pangangasiwa ni Marcos sa bansa.
Ito ay dahil walang gulo at mapayapa halos ang bansa na umano’y magandang palatandaan na ginagawa nito ang kanyang trabaho.
“Good, it’s all good. Walang gulo, we are at peace almost and we have to credit it with the present administration. Kung ano ‘yung nangyayari sa panahon niya, nakikita natin very good,” sinabi pa ni Duterte.
Tiwala naman ang dating pangulo na mananatiling ganito ang Pilipinas kasabay ng payo kay Marcos na ipagpatuloy ang magandang ginagawa para sa bansa.
Samantala, sa ginanap na reunion ni Duterte sa kanyang mga dating gabinete, dumalo rin sa pagtitipon ang mga supporters niya na kinilala ang kanyang administrasyon dahil sa pagtatatag ng National Task Force to End Local Communist Armed Conflict (NTF-ELCAC) na siyang naging daan para humupa ang karahasan sa iba’t ibang panig ng bansa.