MANILA — Ipinagbabawal ng Bureau of Fisheries and Aquatic Resources (BFAR) ang pagkain ng shellfish products tulad ng tahong, talaba at halaan mula sa apat na baybayin sa bansa dahil mataas pa rin dito ang toxicity level ng red tide toxins.
Ayon kay BFAR Director Demosthenes Escoto, hindi maaaring pagkunan ng shellfish products ang Dauis at Tagbilaran City sa Bohol, San Pedro Bay sa Samar, Dumanguillas Bay sa Zamboanga del Sur, at Lianga Bay sa Surigao del Sur.
Pinayuhan ng BFAR ang mga lokalidad ng naturang baybayin na huwag pahintulutang makarating sa palengke at mga pamilihan ang kanilang shellfish products dahil sa red tide.
Sinumang makakakain ng shellfish products na may red tide ay maaring magtae, magsuka, sumakit ang kalamnan at maaaring ikamatay nito. Maaari namang kainin ang isda, pusit, hipon at alimango sa naturang mga baybayin bastat linising mabuti bago iluto at kainin.
Ligtas naman sa red tide toxin ang karagatan ng Cavite, Las Piñas, Parañaque, Navotas, Bulacan at Bataan sa Manila Bay.