MANILA – Ipinahayag ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. na prayoridad ng kanyang administrasyon na pagkalooban ng livelihood package o trabaho ang mga mahihirap na Pilipino dahil mas gusto raw nila ito kaysa palaging humihingi ng ayuda sa gobyerno.
Sa vlog ni Pangulong Marcos noong Sabado, pinaliwanag nitong ang cash grant na ipinagkakaloob ng gobyerno ay may karagdagang livelihood package upang sa gayon ay magkaroon ng pagkakakitaan ang mga benepisyaryo.
“Nakikita natin sa panahon ng kahirapan, ang ugali ng Pilipino ayaw nilang umaasa at basta naghihintay na lang ng ayuda, basta’t naghihintay na lang,” paliwanag ng pangulo.
“Ang Pilipino, nasa ugali talaga natin na masipag tayo. Mas maganda para sa bawat Pilipino na sila ay nagtatrabaho, na mayroon silang aasahang kikitain at nang mayroon silang pag-asa na gumanda pa ang kanilang mga hanapbuhay,” ani Marcos.
“Mas gusto nila na magtrabaho kaysa umasa na lang sa ayuda,” dugtong ng pangulo.
Kabilang aniya sa ipinapamahagi ng gobyerno ay mga makinang pansakahan mula sa Department of Agriculture, scholarships mula sa Technical Education and Skills Development Authority (TESDA) at livelihood packages mula sa Department of Trade and Industry.
“Lahat ng ito sa isang lugar lang namin inilagay nang sa gayon ay mas madali para sa ating mga kababayan,” saad ni Marcos.
“Ito ay hindi lang mga ayuda na salapi kung hindi ayuda ng pagkakataon para sa mga mamamayang Pilipino nang mabigyan sila ng pagkakataon na makapag hanapbuhay at hindi lang umaasa na tumatanggap ng biyaya,” diin pa niya.