MANILA — Isinusulong ni Cagayan de Oro Rep. Lordan Suan sa Kamara ang mas mahabang validity period ng motor vehicle registration.
Layon ng panukalang Extended Motor Vehicle Registration Act (House Bill 8438), na iwasang pumunta ng tanggapan ng Land Transportation Office (LTO) taun-taon para magparehistro ng sasakyan.
Maraming oras ang nasasayang sa taun-taong pagpaparehistro at may pagkakataon na nagdudulot ito ng stress sa may-ari at driver ng sasakyan.
“The extension will reduce the amount of paperwork they need to keep track of and the number of times they need to visit the LTO registration offices in person. This reduction in administrative burden could benefit drivers’ mental health and well-being,” ani Suan.
Sa ilalim ng panukala, ang validity period ng certificates of registration ng mga sasakyan ay limang taon para sa brand new na motor vehicle at tatlong taon naman para sa mga motorsiklo.
Para sa mga mahigit limang taon hanggang pitong taon, ang validity period ay magiging tatlong taon; para sa walo at siyam na taong gulang na sasakyan ay dalawang taon; at para sa 10 taon o higit pa ay taun-taon na ang pagpaparehistro.
Para naman sa motorsiklo, ang edad mahigit tatlo hanggang pitong taon ang registration validity ay dalawang taon at para sa walong taon o higit pa ay taun-taon.
Sa kasalukuyan ang pagrerehistro ng mga sasakyan ay ginagawa taun-taon maliban sa mga brand new na mayroong tatlong taong validity period.