MANILA — Nananatiling bantay-sarado ng mga barko ng Chinese Coast Guard (CCG) ang Pag-asa Island sa Palawan dahilan para maapektuhan na ang kabuhayan ng mga mangingisda na hindi makalayo sa kanilang paglaot.
Ito ang problemang natukoy ng mga tauhan ng Philippine Coast Guard (PCG) sa matagumpay na pagdadala ng mga livelihood assistance sa mga residente ng isla sakay ng BRP Francisco Dagohoy kamakalawa.
Ayon sa mga mangingisda, hindi sila makalayo sa kanilang paglaot dahil sa palagi silang hinaharangan ng malalaking barko ng China kaya nahihirapan na sila na makakuha ng malaking huli.
Ayon pa sa isang mangingisda, may tatlong sandbar sa lugar na mayaman sa isda at nasa teritoryo pa ng Pilipinas ngunit hindi nila marating dahil sa natatakot na rin sila sa banta ng CCG.
Samantala, walang natanggap na radio challenge ang BRP Francisco Dagohoy nang magtungo sila sa isla at magdala ng mga tulong pangkabuhayan sa mga residente.
Isang barko naman ang nakita nila na aali-aligid may isang nautical miles ang layo sa kanila ngunit nananatiling nagmamatyag lamang.
Sa kabila ng problema ng mga mangingisda, umaasa ang Department of Agriculture-Bureau of Fisheries and Aquatic Resources (DA-BFAR) na kahit papaano ay napagaan ng hatid nilang tulong ang hirap na nararanasan ng mga residente. Nangako sila na maghahatid pa ng dagdag na mga tulong sa mga susunod na araw.