MANILA — Malamang na bumilang pa ng mga ilang buwan bago magkaroon ng pagsabog ang Bulkang Mayon, ito ay ayon sa pagtaya ni Phivolcs Director Teresito Bacolcol batay sa kasalukuyang kundisyon ng bulkan.
Sinabi ni Bacolcol na mabagal ang activity na ipinakikita ng Mayon sa ngayon. Nakapagtala lang ito ng isang volcanic quake na dati ay 21 quakes, at nagluwa lamang ng 723 tonelada ng asupre na dati ay libong tonelada ang iniluluwa habang lava pa lamang ang nakikita sa crater ng bulkan.
Anya, ang isang bulkan na malapit nang sumabog ay dapat magpakita ng pagtaas ng dami ng bilang ng volcanic quakes, pagtaas ng dami ng nailuluwang asupre, pagtaas ng lava flow, pagdami ng unrest events at lava fountaining pero hindi pa anya nakikita ang mga bagay na ito sa Mayon.
Sinabi ni Bacolcol na umaasa siya na magkakaroon na lamang ng tahimik na pagsabog ang bulkan tulad nang nangyari dito noong 2018 at 2014.
Gayunman, sinabi ni Bacolcol na hindi pa maaaring makabalik sa kanilang tahanan ang mga nakatira sa loob ng 6 kilometer permanent danger zone (PDZ) dahil may banta pa rin ito sa kanilang pamumuhay.
Sakali anya na bumaba pa ang aktibidad ng bulkan at maaari na nilang maibaba ang alert level status ng bulkan ay yaong mga nasa labas ng 6 km PDZ pa lamang ang maaaring makauwi pero ang mga nasa loob ng PDZ ay matatagalan bago makabalik sa kanilang tahanan.
Sa ngayon bawal pa ring pasukin ng sinumang indibidwal ang loob ng 6 km danger zone bukod sa bawal ang mga aircraft sa may tuktok ng naturang bulkan.