MANILA – Hinimok ni Senador Francis Tolentino ang bagong liderato ng Department of Health na maglatag ng bagong innovation na hihikayat sa mga Pilipinong nurse na manatili sa bansa.
“Papaano natin ma-enganyo ang ating mga kababayang nurses na gusto natin matulungang huwag muna umalis sa Pilipinas?” tanong ni Tolentino kay Health Secretary Teodoro Herbosa, na kanyang pangunahing guest sa kanyang programa sa DZRH.
Ayon sa senador, pangunahing problema ng local nursing industry ay ang isyu ng kompensasyon, nagtatrabaho man sila sa gobyerno o sa pribadong medical facility.
Malaki aniya ang puwang sa pagitan ng suweldo ng mga nurse dito sa Pilipinas kumpara sa mga nasa abroad kaya karamihan sa kanila ay napipilitang magtrabaho na lang sa ibang bansa.
Sinang-ayunan naman ni Herbosa ang obserbasyon ni Tolentino at sinabing kasalukuyan silang nakikipag-usap sa Professional Regulations Commission para i-relax ang licensing rules upang payagan ang mga nurse na makapagtrabaho sa government health facilities lalo na ang mga bagong graduate.