MANILA – Pagkatapos maglabas ng P20 na barya, maglalabas naman ngayon ang Bangko Sentral ng Pilipinas na P100 na barya.
Sabi ng BSP, nag-isyu ito ng set ng mga barya na may P100, P20 at P5 bilang paggunita sa 125th anniversary ng Philippine Independence.
Ang commemorative coin set na tinatawag ng BSP na APIN coin set ay hindi pang general circulation: ibig sabihin, hindi ito puwedeng pambayad sa mga binibiling bagay at serbisyo.
Sabi ng BSP, gamit ng APIN coin set ang pinakabagong technolohiya sa digital printing at ito ang kauna-unahang colored na commemorative coins na “non-circulation”.
Ibebenta ng BSP ang pinagmamalaki nitong APIN coin set. Iaanunsiyo ng BSP ang presyo ng coin set sa social media accounts nito. Mabibili ang coin set sa https://bspstore.bsp.gov.ph/.
Nakalarawan sa P100 na barya ang 1898 declaration of Philippine Independence, sa P20 naman makikita ang Barasoain Church kung saan tinatag ang Unang Republika at sa P5 naman ay mga sundalong nakipaglaban noong Philippine-American War.