DSWD: ‘Food stamp’ beneficiaries dapat magtrabaho

Share on facebook
Share on twitter
Share on telegram

MANILA — Upang mawala ang kultura ng pagiging pala-asa sa gobyerno, sinabi ng isang opisyal ng Department of Social Welfare and Development (DSWD) na kailangang may trabaho ang magiging bene­pisyaryo ng P40-bilyong “food stamp project” ng ahensya.

Sinabi ni DSWD Undersecretary Eduardo Punay na hihingian ang isang milyong benepisyaryo ng mga sertipiko mula sa Department of Labor and Employment at Technical Education and Skills Development Authority bilang patunay na gumagawa sila ng paraan para magkaroon ng trabaho.

“Isa-subsidize namin ang kanilang pagkain sa isang araw para magagamit nila ang matitipid na pera para sa transportasyon o sa mga training habang naghahanap sila ng trabaho,” saad ni Punay.

Sa ganitong pamamaraan, mababawasan umano ang kultura ng pagiging palaasa ng mga benepisyaryo sa tulong mula sa gobyerno.

Kabilang sa mga programa ng DOLE ay ang palagiang ‘job fairs’ at ang Tulong Panghanapbuhay sa Ating Disadvantaged/Displaced Workers Program (TUPAD). Ilan naman sa programa ng TESDA na maaaring lahukan ng mga benepisyaryo ang ‘vocational at skills training’ para sa mga hindi makapag-aral ng kolehiyo at requirements sa trabaho.

“Hindi natin gusto na masanay ang mga benepisyaryo sa dumarating na mga tulong at tanggap lang ng tanggap ng mga ito,” ayon pa kay Punay.

Nasa 1 milyong benepisyaryo ang natukoy na makikinabang sa programa. Kabilang dito ang mga kumikita ng mas mababa pa sa P8,000 kada buwan at hindi kayang kumain ng higit sa isang meal kada araw.

Tatanggap ang mga benepisyaryo ng P3,000 kada buwan o nasa P36,000 sa isang taon. Maaaring gamitin ito sa pagbili ng pagkain sa mga ka-partner na grocery stores, supermarkets, iba pang tindahan at Kadiwa-centers ng pamahalaan.

Ipamamahagi ang tulong sa pamamagitan ng ‘tap cards’ sa mga beni­pisyaryo na tinukoy at na-profile ng DSWD sa tulong ng Philippine Statistics Authority. Hindi naman maaaring ma-withdraw ang naturang halaga.

“Hindi nila maisasanla ito at hindi nila magagamit na pambili ng pagkain na hindi kabilang sa ‘major food groups’”, paliwanag pa ni Punay.

Kasalukuyang nasa ‘design stage’ pa ang programa; na planong ilunsad ng kada ‘phase’ tulad ng: 300,000 benepisyaryo sa unang taon; panibagong 300,000 sa ikalawang taon; at 400,000 sa ikatlong taon.

Nilinaw naman ng DSWD na hiwalay ang “food stamp program” sa Pantawid Pamilyang Pilipino Program (4Ps) at sa Assistance for Individuals in Crisis Situations.

LATEST

LATEST

TRENDING