MANILA — Nagbabala si Philippine National Police (PNP) chief Gen. Benjamin Acorda, Jr. sa mga kandidato ng Barangay at Sangguniang Kabataan election na magbibigay ng ‘campaign tax’ na posibleng maharap ang mga ito sa kasong anti-Terrorism Act of 2020.
Ayon kay Acorda, walang dapat na bayaran ang sinumang kandidato sa panahon ng halalan lalo na ang mga rebelde na nagpapagulo sa mga barangay at ilang lalawigan.
Pinayuhan ni Acorda ang mga kakandidato sa BSK na huwag magbibigay ng pera sa NPA.
Aniya, tradisyunal na sinasamantala ng NPA ang eleksyon para makakolekta ng“permit to campaign” fee at “permit to win” fee sa mga kandidato.
Paalala ng PNP Chief, ang pagbibigay ng pera o anumang material na suporta sa NPA, na isang teroristang organisasyon, ay itinuturing na “terrorist financing”.
Sinumang mapatunayang sangkot sa iligal na aktibidad na ito ay maaring kasuhan sa ilalim ng Republic Act 11479 o Anti-Terrorism Act of 2020.
Dagdag ng PNP Chief, kung isang incumbent Barangay o SK official ang magbibigay ng pera sa NPA, may karagdagan silang paglabag na “willful disloyalty to their Oath of Office”.