
MANILA — Tiniyak ng Malacañang na nakahanda ang gobyerno sa mga posibleng epekto na idudulot ng Bagyong Mawar sa bansa.
Ayon kay Office of Civil Defense Assistant Secretary Raffy Alejandro IV sa isang press briefing, binabantayan ng OCD at ng mga regional office nito ang sitwasyon, sa pakikipag-ugnayan sa National Disaster Risk Reduction and Management Council (NDRRMC) at iba pang kinauukulang ahensya ng gobyerno.
Sinabi ni Alejandro na una nang inalerto ng OCD ang mga local government units (LGUs) sa eastern seaboard ng bansa na maaaring maapektuhan ng bagyo.
Bagama’t, batay sa kasalukuyang forecast, hindi inaasahang magla-landfall ang bagyo at walang direktang epekto sa weather system ng bansa, iginiit ng mga opisyal na maaaring hilahin o palakasin ni Mawar ang habagat na nagdadala ng malakas na hangin at malakas na ulan dahil dito.
Inaasahang tutukuyin ng OCD ang mga LGUs na nasa panganib at ipatutupad ang kaukulang mga protocol.
Sinabi ni Alejandro na naka-alerto at naka-standby na ngayon ang mga responder at rescue team, at idinagdag na ang mga relief goods at iba pang mga bagay ay nakaimbak at naka-pre-position.
Samantala, patuloy ang lakas ng bagyong Mawar at mananatiling isang super typhoon oras na pumasok sa Philippine Area of Responsibility (PAR).
“Makikita natin sa ating track na mapapanatili po nito yung kaniyang intensity o category bilang isang super typhoon hanggang sa pumasok at baybayin nito ang ating karagatan,” pahayag ni Ana Clauren-Jorda, weather specialist ng PAGASA.
Anya, ang lakas ng hangin ni Manwar ay aabutin ng 215 kilometro bawat oras na pasok sa super typhoon category, na ang peak intensity ay sa araw ng Linggo.
Inaasahan na si Mawar ay papasok ng PAR ngayong Biyernes ng gabi o bukas ng umaga. Tatawagin itong bagyong Betty.
Sa 11 am bulletin ng PAGASA kahapon, si Mawar ay namataan sa layong 2,065 kilometro silangan ng southeastern Luzon taglay ang lakas ng hangin na umaabot sa 185 km bawat oras at pagbugso ng hangin na umaabot sa 230 km bawat oras.
Makakaranas naman ng maulang panahon ang Metro Manila at ibang lugar sa bansa dulot ng bagyong Mawar at epekto ng habagat sa susunod na Linggo at makulimlim na panahon sa Lunes.





