
MANILA — Inaprubahan ni Department of Budget and Management (DBM) Secretary Amenah Pangandaman ang pagpapalabas ng P15,151,709,646 para sa pagpapagawa ng 4,912 silid-aralan sa 1,194 sites o lugar sa buong bansa.
“Ang napapanahong pagpapalabas ng pondo na pawang hiling ng Department of Public Works and Highway (DPWH) at Department of Education (DepEd), ay nagpapakita na hindi nag-aatubili ang PBBM administration na mamuhunan sa edukasyon. Kailangan nating magtayo at magkumpuni ng mga classroom para makasabay sa pagtaas ng bilang ng enrollment sa mga pampublikong paaralan,” ani Pangandaman.
Una nang tinukoy ni Vice President at Education Secretary Sara Duterte na ang kakulangan sa classroom ang pinaka-agarang isyu sa edukasyon at nangakong tutugunan ang pangangailangang ito sa imprastruktura.
“Our school children need to be in an environment conducive to learning and fun. Kailangan nila ng ligtas, malinis at maaliwalas na mga silid-aralan para makapag-aral nang mabuti. Sila ang ating best investment,” dagdag ni Pangandaman.
Kung matatandaan, nangako si Pangulong Ferdinand Marcos Jr. sa kanyang budget message na bibigyan ng prayoridad ang pagpapagawa ng mga bagong silid-aralan sa ilalim ng Basic Education Facilities (BEF) ng DepEd sa muling pagbabalik ng face-to-face classes.
Kasama sa popondohan ang pagkukumpleto ng mga kindergarten, elementary at secondary school buildings at technical vocational laboratories; paglalagay o pagpapalit ng disability access facilities; pagpapagawa ng water at sanitation facilities; at site improvement.





