Pangulong Marcos inaprubahan pag-angkat ng 150K MT asukal

Share on facebook
Share on twitter
Share on telegram

MANILA — Inaprubahan ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. ang karagdagang importasyon ng asukal kasunod ng rekomendasyon ng Sugar Regulatory Administration (SRA) na palakasin ang stock ng bansa.

Sinabi ni Marcos na pumayag sila sa karagdagang pag-aangkat upang patatagin ang presyo pero hindi ito dapat lumampas ang aangkatin sa 150,000 metriko tonelada.

“We agreed to additional importation of sugar to stabilize the prices. Maximum amount will be 150,000 MT but probably less,” ani Marcos matapos ang meeting sa SRA na pinamumunuan ni SRA Acting Admi­nistrator Pablo Luis Azcona at Board Member Ma. Mitzi Mangwang na kumakatawan sa mga millers.

Naroon din sina Executive Secretary Lucas Bersamin, Presidential Legal Counsel Juan Ponce Enrile at SRA Board Secretary Rodney Rubrica.

“The exact amount will be determined once we have determined the exact amount of supply, which will come at the end of this month,” ani Marcos.

Dagdag pa niya, binubuksan ng gobyerno ang pag-aangkat ng asukal sa lahat ng mga mangangalakal.

Base sa pagtaya ng SRA, magkakaroon ng negative ending stock ang bansa ng 552,835 metrikong tonelada pagsapit ng Agosto 2023 o ang pagtatapos ng milling season.

Kaya sabi ng Pangulo para hindi kapusin ang suplay, kailangan na mag-angkat ng asukal ng 100,000 hanggang 150,000 metrikong tonelada.

Nitong May 7, sapat naman anya ang suplay ng raw sugar na nasa 160,000 metrikong tonelada pa.

Pero kailangan anya na mag-angkat dahil ang expected local production ngayong taon ay nasa 2.4 milyong metrikong tonelada lamang.

Para mapalakas ang produksyon ng asukal, inaprubahan na rin ng Pangulo na baguhin ang pag-uumpisa ng milling season mula sa Agosto patungo sa Setyembre ngayong taon.

Inatasan din ng Pangulo ang SRA na pabilisin ang block farming initiatives para mapataas din ang produksyon. Ang block farming ay isang sistema kung saan ang maliliit na lote ng sakahan ay pinagsasama-sama sa hindi bababa sa 30 ektaryang bloke ng sakahan.

Sa kasalukuyan, mayroong 21 block farms sa bansa na may average na 40 ektarya ang bawat isa.

LATEST

LATEST

TRENDING