
MANILA — Matapos ang pagsala sa 3rd level officers ng Philippine National Police (PNP), sunod na tutukuyin ng PNP ang mga junior officers na sangkot sa ilegal na droga.
Ito ang binigyan diin ni PNP Chief Police Gen. Benjamin Acorda Jr., matapos makumpleto ng 5-man advisory group ang pagsala sa mga 3rd level officers ng PNP.
Enero, 2023 nang manawagan si Interior and Local Government Secretary Benhur Abalos, Jr. ng courtesry resignation ng mga 3rd level officers ng PNP bunsod ng pagkakasangkot sa illegal drug trade.
Ayon kay Acorda, hindi matatapos sa mga matataas na opisyal ang paglilinis na gagawin ng PNP sa kanilang mga ka-barong may kaugnayan sa ilegal na droga.
Tiniyak ni Acorda, kung may mga junior officers na matuklasang sangkot sa ilegal na droga, agad na kakasuhan at sisibakin ang mga ito sa serbisyo.
Samantala, pagkukumparahin ni Acorda ang imbestigasyon ng Special Investigation Task Group 990 at ang fact-finding na ginagawa ng National Police Commission sa 990 kilos ng shabu.
Giit ni Acorda, kailangan na matukoy kung paano naipon ang 990 kilos ng shabu na umaabot sa P6.7 bilyon.
Ani Acorda, dapat na mailahad sa publiko ang bawat detalye sa pinakamalaking drug haul sa bansa upang maibalik din ang magandang imahe ng PNP at tiwala ng publiko.





