
MANILA – Magpupulong ang mga alkalde ng Metro Manila upang talakayin ang posibleng paghihipit sa paggamit ng tubig ng ibang establisimiyento upang makatulong sa nararanasang water crisis bunsod ng panahon ng tag-init, ayon kay Metro Manila Council (MMC) President at San Juan City Mayor Francis Zamora.
Sinabi ni Zamora na suportado ng MMC ang panawagan ng Metropolitan Waterworks and Sewerage System (MWSS) sa mga nagnenegosyo na tipirin ang paggamit ng tubig.
“Pag-uusapan ang mga bagay at hakbang na puwede nating gawin upang siguraduhing ma-regulate natin ang paggamit ng tubig ng mga establisimiyento, lalong lalo na ‘yong mga malakas ang konsumo,” wika ng alkalde sa interview ng DZBB.
Pero nang matanong kung ipagbabawal ng MMC ang pansamantalang ban sa car wash, swimming pool at patubig sa golf course, sinabi ni Zamora na masusi nilang pag-aaralan ang mga suhestiyon na ito.
“We have to identify ano ba ang mga establisimiyento na we can consider na talagang malakas ang konsumo ng tubig. Necessary ba ang mga ‘yan? puwede bang magbawas? ito ang bagay na dapat upuan,” paliwanag pa niya.





