
MANILA — Inirekomenda na ng Five Man Advisory Group sa National Police Commission (Napolcom) na isalang muli sa panibagong ‘vetting process’ upang irebyu, salaing muli ang rekord at mga dokumento ng 36 senior officers na nakitaan ng drug link.
Ayon kay PNP spokesperson P/Col. Jean Fajardo, binubusisi na ngayon ng Napolcom ang report ng advisory group kaugnay sa mga opisyal ng PNP na isinasangkot sa iligal na droga.
Natapos na noong nakaraang Huwebes ang vetting process kung saan 917 sa kabuuang 953 generals at colonels ang nalinis na ang rekord at ang natitirang 36 na opisyal ang kailangan pang isalang muli sa pagrebyu sa drug link.
“Itong 917 na pangalan ay ito ‘yung nirekomenda na mga nag-submit na hindi tatanggapin ‘yung resignation. Meaning they were cleared doon sa any involvement sa illegal drugs but with respect doon sa remaining 36, I understand they will be subjected to further evaluation by the Napolcom,” ayon kay Fajardo.
Ipinaliwanag ni Fajardo na may kapangyarihan ang Napolcom na magrebisa o magbago sa findings ng advisory group.
Kapag naisapinal na ang rekomendasyon, isusumite naman ng Napolcom ang buong report kay Pangulong Ferdinand Marcos Jr. na siya namang magdedesisyon kung sino sa mga opisyal na naghain ng courtesy resignation ang tatanggapin.
Samantala, ipinauubaya naman ng bagong talagang si PNP Chief P/Gen. Benjamin Acorda Jr. kay Pangulong Marcos kung isasapubliko ang report at kung dapat pangalanan ang mga opisyal na nakitaan ng koneksyon sa iligal na droga.





