
MANILA — Nananatili umanong mataas ang youth unemployment o bilang ng mga batang nahihirapang makahanap ng trabaho bunsod na rin ng kakulangan ng soft skills at kahandaan sa trabaho.
Ito ay batay sa ulat ng Commission on Human Rights (CHR) ukol sa sitwasyon ng mga kabataan sa kanilang transisyon mula sa pag-aaral hanggang sa pagtatrabaho.
Lumitaw sa pag-aaral na ilan sa dahilan nito ay ang kakulangan ng mga bagong graduates sa soft skills o ‘yung kakayahang ginagamit sa pakikipag-kapwa-tao, komunikasyon at emosyon.
Maging ang kanilang kahandaan sa pagtatrabaho ay kapos din umano.
Bukod dito, posible ring hindi swak ang kurso ng mga nagsipagtapos kumpara sa mga available na trabaho o hindi sapat ang impormasyon sa mga job opportunities.
Maging ang career guidance program ng mga paaralan ay hindi rin umano sapat.
Sinabi ng CHR na ang pag-aaral ay ginawa batay sa mandato nilang bantayan ang karapatang-pantao ng mga mamamayan, partikular na sa karapatan na makapag-aral ng mga kabataan.
Tiniyak naman na ng Department of Labor and Employment (DOLE) na gumagawa na sila ng mga pamamaraan upang masolusyunan ang problema, gaya nang paglulunsad ng mga job fair na ang target ay ang mga kabataan.





