
MANILA – Hangad ni Senador Win Gatchalian na palakasin ang pagdating ng mga dayuhang turista sa bansa at lumikha ng mas maraming trabaho sa pagtatatag ng mekanismo para sa refund ng value-added tax (VAT).
“Upang makasabay sa mga kapitbahay natin sa Asia Pacific, ang Pilipinas ay kailangang magtatag ng isang tourist VAT refund system dahil walang konseptong ganito sa kasalukuyang umiiral na mga batas hinggil sa pagbubuwis,” ayon kay Gatchalian na naghain ng Senate Bill 2023 o An Act Creating a VAT Refund Mechanism for Non-Resident Tourists.
Sa ilalim ng panukalang batas, ang mga dayuhang turista ay bibigyan ng VAT refund na hindi hihigit sa 85% ng kabuuang halaga ng VAT na binayaran nila sa mga biniling mga produkto sa Pilipinas na dadalhin palabas ng bansa sa loob ng 60 araw.
Ang pagtataguyod ng VAT refund ani Gatchalian sa mga turista ay maaaring humantong sa tinatawag na ‘tourism multiple on national income.
“Sa pag-asang mapasigla ang lokal na industriya ng turismo, panahon na para hikayatin natin ang mas maraming turistang dayuhan na gumastos sa bansa upang maitaguyod ang pangkalahatang paglago ng ekonomiya,” ani Gatchalian.
Kapag ganap nang batas, inaasahang dadami pa ang mga dayuhang turista sa bansa.
Bago ang pandemya ng COVID-19, nakapagtala ang Department of Tourism ng humigit-kumulang 8.26 milyong dayuhang turista noong 2019.





