
MANILA – Inatasan ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. ang mga opisyal ng Philippine Health Insurance Corporation (PhilHealth) na palawakin pa ang benepisyo para sa mga miyembro nito.
Pinulong ng pangulo ang mga opisyal ng PhilHealth sa Malacañang noong Miyerkoles at iniutos na tiyaking mapalawak pa ang serbisyo ng ahensiya sa mga Pilipino.
Inilatag naman ni acting PhilHealth President at Chief Executive Officer Emmanuel Ledesma Jr. sa pangulo ang short-term plans para sa lahat ng kanilang miyembro.
Kabilang sa short-term plan para sa huling anim na buwan ng 2023 ay ang pagdaragdag sa hemodialysis coverage ng hanggang 156 sessions mula sa kasalukuyang 90 sessions.
Sa pamamagitan nito, sinabi ni Ledesma sa pangulo na mapapataas ang dialysis support ng tatlong beses sa isang linggo para sa outpatients na katumbas ng isang full weekly coverage kada taon.





