
MANILA — Walang balak si Pangulong Ferdinand Marcos Jr. na humingi ng special powers sa Kongreso upang mapigilan ang inflation.
Sinabi ng Pangulo na hindi na niya kailangan ng mga espesyal na kapangyarihan dahil nagsimula na ang kanyang administrasyon ng mga interbensyon upang pagaanin ang mga epekto ng inflation.
“I do not think that it is necessary to ask for special powers. If we declare, for example, if we can declare… I have already the power to declare an emergency and to control the prices of commodities. So I don’t think there is any need for more than that, that is sufficient,” anang Pangulo.
Una nang nagpahayag ng pag-asa si Marcos na sa kalaunan ay bababa ang inflation rate kasabay ng pagbaba ng presyo ng petrolyo at mga inangkat na produktong agrikultura kahit pa tumaas sa 8.7 porsiyento ang inflation noong Enero 2023.
Sinabi rin ni Marcos na pinaigting ng gobyerno ang mga pagsisikap na sugpuin ang epekto ng inflation at binanggit na halimbawa ang paglulunsad ng mga urban agriculture initiatives na naglalayong mapabuti ang sustainable food practices sa barangay level.
Sinabi ng National Economic and Development Authority (NEDA) na nagsasagawa ng hakbang ang administrasyon upang mapanatili na ang paggalaw ng presyo ng pagkain ay naaayon sa “government’s inflation” at food security objectives, na may mataas na agricultural productivity, food supply augmentation at energy security na nakikita bilang mga priyoridad upang mapawi ang pagtaas ng presyo ng mga bilihin at serbisyo.





