
MANILA — Matapos ang bantang isang linggong tigil pasada ng transport group, sa ika-apat na pagkakataon ay hindi muna itutuloy ng Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) ang pagkansela ng prangkisa ng mga traditional jeepney sa bansa na magtatapos sana sa Hunyo 30.
Ito ang napagkasunduan ng mga opisyales ng LTFRB at kinatawan ng transport groups sa ginawang pagpupulong kahapon ng magkabilang panig sa ahensya.
Napagkasunduan na ‘wag na munang ituloy ng LTFRB ang June 30, 2023 jeepney phaseout bagkus ay itinakda uli ito sa December 31, 2023.
Ito ay para umano maayos ng mga jeepney operators ang lahat ng kanilang mga papeles para sa inihahandang transport modernization.
Ito na ang ika-limang ulit na pinagpaliban ang pagpapatupad sa phaseout na magsisimula sana bago pa man magkapandemya.
Una nang sinabi ng LTFRB na kailangang sumailalim sa kooperatiba ang mga PUVs para sa gagawing modernization program.
Samantala, matuloy o hindi ang tigil-pasada ilang transport group naman ang nag pasyang ‘wag makiisa dito.
Ayon sa Liga ng Transportasyon at Operators sa Pilipinas at mga UV Express Operators wala silang planong makiisa sa gagawing tigil-pasada na magsisimula sa Lunes.
Ayon kay Ka Lando Marquez, Pangulo ng LTOP at Mr. Exequiel Longares, National President ng UV Express, hindi sila kinunsulta ng grupong Manibela tungkol sa bantang transport strike.
Anya hindi sila sang-ayon sa tigil pasada dahil ang publiko at ekonomiya ng bansa ang maaapektuhan nito.





