
MANILA – Umani ng papuri sa isang senador ang ginagawang hakbang ni Pangulong Ferdinand ‘Bongbong’ Marcos Jr. upang mapigil ang paghahari ng China sa West Philippine Sea (WPS).
Tinukoy ni Senador Francis Escudero ang ginawang pagpapatawag ni Pangulong Marcos sa Malacañang sa Ambassador ng China sa Pilipinas at ang paninindigan na hindi isusuko kahit isang pulgada ng teritoryo ng bansa.
Ang pahayag ng pangulo ay bunsod ng ginawang paninilaw ng military grade laser ng Chinese Coast Guard sa barko ng Philippine Coast Guard (PCG) upang maitaboy sila sa Ayungin Shoal na sakop ng exclusive economic zone ng Pilipinas.
Ayon kay Escudero, malaki ang naging pagbabago ng foreign policy ng bansa sa ilalim ng administrasyong Marcos kumpara sa dating administrasyong Duterte.
“Pinapakita nito na mahalaga at importante ito sa bawat Pilipino sa ating bansa at sa kasalukuyang gobyerno at presidente at hindi ipapagkibit balikat lamang at titingin sa kabilang banda na lamang ang gobyerno ni Pangulong Marcos kaugnay ng mga ganitong uri ng mga gawain ng bansang Tsina sa West Philippine Sea,” wika ni Escudero sa interview ng DZBB nitong Linggo.
Aniya, malaking bagay ang pangangalaga ni Marcos sa nasabing teritoryo dahil pinipigilan nito ang pahahari ng China sa WPS.
“Hindi tayo nagpapabaya kaugnay sa ating pagmamay-ari kaugnay sa ating kasarinlan at soberanya sa lugar na ‘yan at hindi natin hinahayaan ang bansang Tsina na maghari-harian at magmay-ari ng lugar na ‘yan,” diin ni Escudero.
“Kapag ikaw ay tinutulugan mo ang karapatan darating ang panahon na mawawalan ‘yan. Kung hayaan na lang natin ang bansang Tsina na gawin na wala man lang tayong pinapaabot na protesta o pagreklamo darating ang panahon sasabihin nila ‘eh matagal na kaming nandyan wala namang nagrereklamo, wala namang nagpoprotesta, wala namang nagsasabi umalis kami diyan, amin na ‘yan,” dugtong ng senador.





