
MANILA – Maaaring umabot sa P10,000 ang multang babayaran ng mga pasaway na tsuper sa ilalim ng bagong unified traffic ticket system na ipatutupad sa National Capital Region simula sa Abril.
Base sa traffic code na inaprubahan ng Metro Manila Council (MMC) noong February 1, ang paglabag sa Child Safety in Motor Vehicles Act, ay may multang P1,000 sa unang offense; P2,000 sa ikalawang offense; at P5,000 sa ikatlo at sa mga susunod pang pagkakahuli.
Mas mahal naman ang paglabag sa Children’s Safety on Motorcycle Act dahil P3,000 ang multa sa unang offense; P5,000 sa ikalawang offense; at P10,000 sa ikatlo at susunod pang offense.
Sa ilalim ng Children’s Safety on Motorcycle Act, bawal sumakay ang bata maliban kung abot ng kanyang paa ang tuntungan sa motorsiklo, kayang yapusin ang baywang ng rider at dapat nakasuot ng helmet.
Sa mga motorcycle rider na hindi magsusuot ng helmet ay ipatutupad ang multang P1,500, P3,000 at P5,000 sa una, ikalawa at ikatlong offense, ayon sa pagkakasunod at P10,000 na kung lagpas na sa tatlo ang paglabag.
Kung walang Import Commodity Clearance o ICC sticker ang helmet, P3,000 ang multa sa unang offense at P5,000 sa mga susunod na paglabag.
Ang mga hindi magsusuot ng seatbelt ay multa ng P1,000. Nagtaas din ang multa sa iba pang traffic violation. Ang penalty ay maaari nang bayaran online sa ilalim ng single traffic ticket system.





