PSA: Covid-19, pang-11 na lang na ‘cause of death’ sa Pilipinas

Share on facebook
Share on twitter
Share on telegram

MANILA — Nabawasan na ang bagsik ng COVID-19 sa bansa makaraang itala ng Philippine Statistics Authority (PSA) na pang-11 na lamang ito na “cause of death” sa Pilipinas nitong 2022.

Sinabi ni DOH officer-in-charge Maria Rosario Vergeire na ang mas mababang bilang ng mga nasasawi sa COVID ay dahil sa mas pinalakas na kahandaan at sistema ng mga ospital ngayon laban sa naturang sakit kumpara noong 2020.

“Alam natin na ang mga ospital ngayon ay mas handa, mas may kapasidad na rumesponde. Very manageable ang mga admissions natin sa mga ospital. Nakikita natin na less and less ang ating severe and critical cases,” saad ni Vergeire.

Sa datos ng PSA, nangungunang sanhi ng pagkamatay sa mga Pilipino noong 2022 ang “ischemic heart diseases”. Kasama sa top 10 ang: “cerebrovascular diseases”, “neoplasms” (mas kilala bilang cancer), “diabetes mellitus”, “hypertensive diseases”, “pneumonia”, iba pang sakit sa puso, “chronic lower respiratory diseases”, “diseases of the genitourinary system”, at “respiratory tuberculosis”.

Noong 2021, ikatlo ang COVID-19 sa mga ­nangungunang sakit na dahilan ng pagkamatay sa bansa.

“Ito ay isang magandang balita para sa atin,” ani Vergeire. “[This] signifies na kakaunti na lang ang namamatay from COVID dito sa ating bansa,” dagdag niya.

Pero hindi pa rin umano dapat magpakumpiyansa ang mga Pilipino at dapat ipagpatuloy pa rin ang ­boluntaryong pagsunod sa mga health protocols tulad ng palagiang pagsusuot ng face masks at pag-iwas sa maraming tao.

Nitong Enero 24, nakapagtala ang bansa ng kabuuang 4,072,188 kaso mula noong 2020 habang nasa 65,726 ang kabuuang nasawi sa virus.

LATEST

LATEST

TRENDING